Kapag ang isang tao ay nagbalik-loob sa Islam, nagsisimula siyang maunawaan na ang mga pagsubok, kapighatian, at mga tagumpay sa buhay na ito ay hindi basta-basta na mga gawa ng isang malupit at hindi organisadong sansinukob. Nauunawaan ng isang tunay na mananampalataya na ang ating pag-iral ay bahagi ng isang maayos na mundo, at ang buhay ay nalalahad nang eksakto sa paraang itinakda ng Diyos, sa Kanyang walang katapusang karunungan.
Sinasabi sa atin ng Diyos na tayo ay susubukan, at pinapayuhan Niya tayo na harapin ang ating mga pagsubok at paghihirap nang may pasensya. Mahirap itong maunawaan maliban kung yakapin ang Kaisahan ng Diyos, ang relihiyon ng Islam, kung saan ibinigay ng Diyos ang malinaw na gabay kung paano kumilos sa harap ng mga pagsubok at paghihirap. Kung susundin natin ang mga gabay na ito, na matatagpuan sa Quran at sa mga tunay na tradisyon ng Propeta Muhammad, posible nating harapin ang mga pagsubok nang may kagaanan at maging mapagpasalamat pa.
Talagang susubok nga Kami sa inyo sa pamamagitan ng isang anuman kabilang sa pangamba at gutom, at ng isang kabawasan mula sa mga ari-arian, mga buhay, at mga bunga. Magbalita ka ng nakagagalak sa mga nagtitiis, (Qur'an 2:155)
Ang isang mananampalataya ay alam na anuman ang mangyari sa kanya ay itinakda ng Allah, at ang mga pagsubok ay para sa ating kabutihan dahil palagi itong nagdadala ng biyaya. Ang buhay na ito ay wala kundi isang pansamantalang yugto lamang, isang hintuan sa ating paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan. Kung matatanggap natin ito at papasukin si Allah sa ating mga puso, mararanasan natin ang tunay na kapayapaan sa kalooban.