Kapag sinangguni mo ang mga diksyunaryo ay malalaman mo na ang kahulugan ng salitang Islam ay “ang pagpapaakay, ang pagpapasailalim, ang pagpapahinuhod, ang pagsuko at ang pagsunod sa iniutos ng nag-uutos at sa sinasaway niya nang walang pagtutol.” Pinangalanan ni Allah ang totoong Relihiyon na Islam dahil sa ito ay pagtalima sa Kanya, pagpapaakay sa utos Niya nang walang pagtutol, pag-uukol ng kawagasan sa pagsamba sa Kanya, at paniniwala at pananampalataya sa ipinabatid Niya.
Ang pangalang Islam ay naging pangngalang pantangi ng relihiyon na inihatid ni Propeta Muhammad (SAS).
Ang Pagpapakahulugan sa Islam (1)
Bakit tinawag ang Relihiyon na ito na Islam? Tunay na ang lahat ng nasa lupa na magkakaibang mga relihiyon ay pinangalanan ng mga pangalan na kaugnay sa pangalan ng isang tanging lalaki o isang komunidad.
Ang Kristiyanismo ay hinango ang pangalan nito mula sa salitang Kristo. Pinangalanan ang Budhismo ayon sa pangalan ng nagtayo nito na si Budha. Napatanyag ang Zoroasterianismo sa pangalang ito dahil sa ang tagapagtatag nito at tagadala ng watawat nito ay si Zoroaster.
Gayon din naman, lumitaw ang Judaismo sa gitna ng lipi na kilala sa tawag na Juda, kaya pinangalanan ito na Judaismo. At iba pang gaya nito. Maliban sa Islam sapagkat tunay na ito ay hindi nauugnay sa pangalan ng isang takdang lalaki ni sa isang komunidad mismo. Ang pangalan nito ay nagpapakita lamang ng natatanging katangian na nilalaman ng salitang Islam.
Kabilang sa binibigyang-linaw mula sa pangalang ito ay na hindi ito tumukoy sa isang lalaking tao kaugnay sa pagpapairal at pagtatag ng relihiyong ito. Ito ay hindi rin nauukol sa isang takdang kalipunan bukod sa lahat ng kalipunan.
Ang layon nito ay magdulot lamang sa lahat ng naninirahan sa lupa ng katangian ng Islam sapagkat ang bawat nagtataglay ng katangiang ito mula sa yumaong mga tao at kasalukuyang mga tao, ay isang Muslim. Magiging isang Muslim ang sinumang magtataglay ng katangiang ito sa hinaharap.
references
1. Para sa karagdagang pagpapakalawak ay tingnan ang aklat na Mabádi’ al-Islám (Mga Simulain ng Islam), akda ni Shaykh Hamúd al-Láhim; at ang aklat na Dalíl Mukhtasar li Fahm al-Islám (Isang Maikling Gabay para sa Pag-unawa sa Islam), akda ni Ibráhím Harb.