Nasaan ang Daan?

Kapag lumalaki ang tao at nagkakaunawa ay may nagdadatingan sa isip niya na maraming tanong na tulad ng: “Saan ako nanggaling?,” “Bakit ako dumating?,” “Saan patungo ang kahahantungan?,” “Sino ang lumikha sa akin at lumikha sa sansinukob sa paligid ko?,” “Sino ang nagmamay-ari sa sansinukob at nagpapainog dito?,” at iba pang mga tanong.

Hindi makakaya ng tao na mag-isang malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito. Hindi kakayanin ng makabagong kaalaman na umunlad tungo sa pagsagot sa mga ito dahil sa ang mga isyung ito ay kabilang sa napaloloob sa saklaw ng bakuran ng relihiyon. Dahil doon, dumami ang mga salaysay at naging sari-sari ang mga alamat at mga mito tungkol sa mga usaping ito na nakadaragdag sa kalituhan ng tao at kabalisaan niya.

Hindi makakayang malaman ng tao ang kasiya-siyang sagot na makasasapat sa mga usaping ito malibang kapag pinatnubayan siya ni Allah sa tamang Relihiyon na magdadala ng tahasang pahayag kaugnay sa mga usaping ito at iba pa. Ang mga isyu na ito ay itinuturing na kabilang sa mga bagay-bagay na nakalingid. (1)

Ang tumpak na Relihiyon ay ang namumukod sa katotohanan at pahayag ng katapatan dahil ito lamang ang mula kay Allah na nagsiwalat nito sa mga propeta Niya at mga sugo Niya. Dahil dito naging kinakailangan para sa tao na sadyain ang totoong Relihiyon, matu-tuhan ito at sampalatayanan ito upang maalis sa kanya ang kalituhan, maglaho sa kanya ang mga pagdududa at mapatnubayan siya sa tuwid na landasin.

Sa mga sumusunod na pahina ay inaanyayahan kita tungo sa pagsunod sa tuwid na landasin ni Allah. Ilalahad ko sa harap ng mga paningin mo ang ilan sa mga patunay niyon, mga katibayan niyon at mga katwiran niyon upang tingnan mo ang mga ito nang walang pagkiling, pagsusuri at hinahon.


references


1.Anumang nakalingid sa mga pandama ng tao gaya ng Diyos, anghel, demonyo, Paraiso, Impiyerno at iba. Ang Tagapagsalin.