Ang kanyang buong pangalan ay Muhammad bin Abdullah bin Abdul-Muttalib bin Haashim , at ang kanyang 'kunyah' ay Abdul-Qaasim. Siya ay mula sa tribu ng Qureish na ang mga ninuno ay nagmula kay 'Adnaan'. Si 'Adnaan' ay mula sa mga anak ni Ismael , ang Propeta ng Allah at anak ni Abraham , ang 'Khaleel' ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala .
Ang Propeta ay nagsabi;
"Katotohanang hinirang ng Allah ang tribu ng Kinaanah nang higit kaysa ibang tribu ng mga Anak ni Ismaael; Pinili Niya ang Quraish nang higit mula sa tribu ng Kinaanah; at pinili Niya ang Banu Haashim higit kaysa sa mga ibang angkan ng Quraish; at hinirang Niya ako mula sa Banu Haashim."
(Iniulat ni Imam Muslim)
Natanggap niya ang unang rebelasyon mula sa Allah Subhaanaho wa Ta'aala noong siya ay may apat-napung taong gulang at siya ay nanirahan ng labing tatlong taon sa Makkah sa pagpapalaganap ng Kaisahan (Tawheed) ng Allah Subhaanaho wa Ta'aala . Pagkaraan, nang siya ay humayo at nag-ibang bayan patungong Madeenah at siya ay nagpalaganap ng Islam sa mga naninirahan doon at ito ay kanilang tinanggap nang buong puso. At doon ipinahayag ang kabuuan ng pagbabatas (ang Qur'an). Nasakop niya ang Makkah pagkaraan ng walong taon ng kanyang pag-likas sa Madeenah at siya ay namatay sa gulang na animnaput-tatlo, matapos na maipahayag sa kanya ang kabuuan ng Qur'an. Ang buong pagbabatas ng relihiyon ay ipinahayag nang ganap na walang kakulangan, at tinanggap ang Islam ng lahat ng mga Arabo.