Nasaan ang "Kristo" sa "Kristiyanismo?”

Matagal nang naiugnay ng mga relihiyosong iskolar na ang mga katuruan ng Kristiyanong pananampalataya ay higit na hango sa mga turo ni Pablo kaysa kay Hesus. Ngunit tulad sa pagnanais ko na talakayin na agad ang usapin na yan, sa palagay ko mas mainam na balikan at gumawa ng maiksi at masusing pagtingin sa Lumang Tipan.

Itinuturo ng Lumang Tipan na si Jacob ay nakipagbuno sa Diyos. Sa katunayan, Naitala sa Lumang Tipan na si Jacob ay hindi lamang nakipagbuno sa Diyos, kundi si Jacob daw ang nanaig (Genesis 32: 24-30). Ngayon, tandaan, na ang pinag-uusapan dito ay tungkol sa isang katiting na patak ng protoplasm na nakikipagbuno sa Lumikha ng sansinukob na may lawak na 240,000,000,000,000,000,000,000 milya sa diyametro, na naglalaman ng higit sa isang bilyong kalawakan kung saan ang atin—ang Milky Way Galaxy—ay isa lamang sa mga ito (at maliit kumpara sa iba), at mananaig? Paumanhin, ngunit may isang manunulat na kinulang yata ng ilang pahina sa manuskrito nang isulat nila ang naturang talata. Gayunpaman, Ang punto dito ay, ang talatang ito'y naglagay sa atin sa kawalan ng kasiguraduhan. Dapat nating kwestyunin ang konsepto ng mga Hudyo patungkol sa Diyos o tanggapin na lamang ang kanilang paliwanag na ang "Diyos" sa talatang ito ay hindi nangangahulugang "Diyos", sa halip ito daw ay nangangahulugang isang anghel o isang tao (na, kung uunawain, ay nangangahulugang ang Lumang Tipan ay hindi mapagkakatiwalaan). Sa katunayan, ang komplikasyon sa pag-unawa sa tekstong ito ay naging malaking problema na kung kaya't marami sa mga bagong nailimbag na Bibliya ang sinubukang takpan ito sa paraang ang salitang "Diyos" ay isinalin na "tao." Gayunpaman, ang hindi nila mababago, ay ang saligang kasulatan na kung saan ang Bibliya ng mga Hudyo ay naisalin, at patuloy na mababasang "Diyos.”

Ang pagiging hindi mapagkakatiwalaan ang paulit-ulit na problema sa Lumang Tipan, ang pinakatanyag na halimbawa ay ang kalituhan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas! Mababasa sa II Samuel 24: 1:

“"Ang galit ng PANGINOON ay muling nagningas laban sa Israel, at kanyang pinakilos si David laban sa kanila, na sinasabi, “Humayo ka at bilangin mo ang Israel at Juda.’”

Ngunit, nakasaad sa1 Cronica 21: 1: "Si Satanas ay tumayo laban sa Israel, at inudyukan si David na bilangin ang sambayanang Israel.”

Uhhh, alin dito? Ang Panginoon, o si Satanas? Ang dalawang talata ay parehong naglalarawan ng kaganapan sa kasaysayan, ngunit ang isa ay nagsasalita tungkol sa Diyos at ang isa ay kay Satanas. Mayroong bahagya (parang, lubos) na pagkakaiba.

Nais paniwalaan ng mga Kristiyano na ang Bagong Tipan ay malinis mula sa mga komplikasyong ito, ngunit nakalulungkot na sila'y nalinlang. Sa katunayan, napakarami ng mga pagkakasalungat na ang mga may-akda ay nagtalaga na ng mga aklat patungkol sa paksang ito. Halimbawa, hindi nagkakasang-ayon ang Mateo 2:14 at Lucas 2:39 kung tumakas ba ang pamilya ni Hesus patungo sa Ehipto o sa Nazareth. Ang Mateo 6: 9-13 at Lucas 11: 2-4 ay nagkakaiba patungkol sa mga salita ng "Panalangin ng Panginoon." Ang Mateo 11: 13-14, 17: 11-13 at Juan 1:21 ay hindi magkasang-ayon kung si Juan Bautista ba ay si Elias.

Higit na magiging malala ang mga bagay kapag pinasok natin ang pinangyarihan ng umano'y pagkakapako sa krus: Sino ang nagpasan ng krus — si Simon ba (Lucas 23:26, Mateo 27:32, Marcos 15:21) o si Hesus (Juan 19:17)? Si Hesus ba ay nakasuot ng isang pulang balabal (Mateo 27:28) o balabal na kulay lila (Juan 19: 2)? Ang mga sundalong Romano ba ay naglagay ng apdo sa kanyang alak (Mateo 27:34) o pabangong mira (Marcos 15:23)? Si Hesus ba ay ipinako sa krus bago ang ikatlong oras (Marcos 15:25) o pagkatapos ng ikaanim na oras (Juan 19: 14-15)? Si Hesus ba ay umakyat sa unang araw (Lucas 23:43) o hindi (Juan 20:17)? Ang mga huling salita ba ni Hesus ay, "Ama, 'sa Iyong mga kamay ay ipinauubaya ko ang aking espiritu'" (Lucas 23:46), o iyon bang "Tapos na" (Juan 19:30)?

Ito ay ilan lamang sa isang mahabang listahan ng mga pagkakasalungat sa kasulatan, at binibigyang-diin ng mga ito ang hirap sa pagtitiwala sa Bagong Tipan bilang kasulatan. Gayunpaman, nariyan pa rin yaong mga ipinagkakatiwala ang kanilang kaligtasan sa Bagong Tipan, at sila ay ang mga Kristiyanong dapat sumagot sa tanong na, "Nasaan ang 'Kristo' sa 'Kristiyanismo?'" Ito, sa katunayan, ay isang napakahalaga't makatarungang tanong . Sa isang banda, mayroong isang relihiyon na ipinangalan kay Hesu-Kristo, ngunit sa kabilang banda ang mga doktrina ay tradisyonal na Kristiyanismo, na ibig sabihin ay Trinitarian na uri ng Kristiyanismo, na sumasalungat sa lahat ng kanyang itinuro.

Alam ko, alam ko — yaong mga hindi sumisigaw ng "Erehe!" sa inyo ay nagtitipon na ng mga panggatong at nagtatayo na ng posteng pagtatalian. Ngunit sandali. Ibaba muna ang mga matataas na kalibre ng mahahabang baril at makinig. Sinasabi ng Trinitarian na uri ng Kristiyanismo na ang mga doktrina nito ay nakabase sa pinagsamang katuruan ni Hesus at Pablo. Ang problema, ang mga katuruan na ito na tila magkakaugnay. Sa totoo lang, ang mga ito'y sumasalungat sa isa't isa.

Kunin ang ilang halimbawa: Itinuro ni Hesus ang kautusan sa Lumang Tipan; Pinawalang-bisa ito ni Pablo. Ipinangaral ni Hesus ang karaniwang paniniwala ng mga Hudyo; Ipinangaral ni Pablo ang mga misteryo ng paniniwala. Nagsalita si Hesus tungkol sa pananagutan; Iminungkahi ni Pablo ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananalig. Inilarawan ni Hesus ang kanyang sarili bilang isang propeta ukol sa partikular na lahi; Tinukoy siya ni Pablo bilang isang propeta para sa sangkatauhan.[1] Itinuro ni Hesus ang pagdarasal/pananalangin sa Diyos, itinalaga ni Pablo si Hesus bilang tagapamagitan. Itinuro ni Hesus ang kaisahan ng Diyos , ang mga tagapangaral ng katuruan ni Pablo ay bumuo ng Trinidad.

Dahil sa mga kadahilanang ito, itinuturing ng maraming iskolar na si Pablo ang pangunahing sumira ng Apostolikong Kristiyanismo at ng mga katuruan ni Hesus. Marami sa mga sinaunang sekta ng Kristiyanismo ang may ganito ring pananaw, kabilang dito ang sekta ng Kristiyanismo sa ikalawang siglo na kilala bilang "mga adoptionist", itinuring nila si Pablo, na isa sa pinaka-kilalang may akda ng Bagong Tipan, na isang ereheng namumuno ng paglihis mula sa katotohanan at hindi isang apostol.”[2]

Ibinahagi ni Lehmann:

“Ang ipinahayag ni Pablo bilang 'Kristiyanismo' ay lubos na paglihis mula sa katotohanan na hindi maaaring batay sa pananampalataya ng Hudyo o ng mga Essenes, o sa turo ng Rabbi na si Hesus. Ngunit, tulad ng sinabi ni Schonfield, ang opinyon ni Pablo na taliwas sa paniniwala ng mga tradisyonal na Hudyo ay naging pundasyon ng karaniwang Kristiyanismo at ang lehitimong iglesya ay itinakwil bilang 'taliwas sa opisyal na paniniwala.'... May ginawa si Pablo na hindi ginawa at tinanggihang gawin ng Rabbi na si Hesus. Ipinaabot niya ang pangako ng kaligtasan ng Diyos pati sa mga Hentil; pinawalang-bisa niya ang batas ni Moises, at pinigil niya ang direktang pagdulog sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakilala ng isang tagapamagitan.”[3]

Si Bart D. Ehrman, na marahil ay ang pinaka-malinaw na pumupuna sa mga teskto sa hanay ng mga buhay na iskolar, ay nag-komento:

“Ang pananaw ni Pablo ay hindi tanggap ng lahat o, may tututol, kahit pa tinanggap ng marami ....mas kapansin-pansin, na ang sariling mga kasulatan ni Pablo ay naglalaman na 'mayroong mga sinsero at aktibong mga pinuno ng Kristiyano na hayagan kung magsalita na lubos na tumututol sa kanya at itinuturing ang mga pananaw ni Pablo bilang dungis at kasiraan sa tunay na mensahe ni Kristo .... Dapat palaging tandaan ng isang tao na ito mismong sulat ni Pablo sa mga taga-Galacia ay nagpapahiwatig na kinompronta niya si Pedro patungkol lamang sa mga usapin na ito (Gal;. 2:11-14). Siya ay hindi sumang-ayon sa bagay na yaon, yan ay kahit na siya (Pedro) ay mismong pinakamalapit na disipulo ni Hesus.”[4]

Bilang komento sa pananaw ng ilan sa mga sinaunang Kristiyano patungkol sa literaturang Pseudo-Clementine, isinulat ni Ehrman:

“Sinira't dinungisan ni Pablo ang tunay na paniniwala base sa isang maiksing pangitain, na walang dudang kanyang binigyan ng maling kahulugan. Si Pablo kung gayun, ang kalaban ng mga apostol, hindi ang kanilang pinuno. Siya ay nasa labas ng tunay na paniniwala, isang ehere na dapat tanggihan, hindi apostol na dapat sundin.”[5]

Ang iba ay nag-angat kay Pablo sa pagiging santo. Napakalinaw na si Joel Carmichael ay hindi kabilang sa kanila:

“Kasing-layo ng sanlibutan ang layo natin kay Hesus. Kung si Hesus ay dumating “upang tuparin lamang” ang Kautusan at ang mga Propeta; Kung naisip niya na “walang ni isang kudlit, walang ni isang tuldok” ang “palalagpasin mula sa Kautusan,” na ang pangunahing kautusan ay “Pakinggan mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon,” at na “walang mabuti kundi ang Diyos lamang.” ...Ano kaya ang kanyang iisipin sa pinaggagawa ni Pablo! Ang tagumpay ni Pablo ay nangangahulugan ng huling pagwasak sa makasaysayang si Hesus; dumating siya sa atin na nakapreserba sa Kristiyanismo tulad sa alaala ng kahapon.”[6]

Si Dr. Johannes Weiss ay nagbahagi:

“Kaya naman ang paniniwala kay Kristo na pinanghawakan ng mga naunang simbahan at ng kay Pablo ay isang bagay na makabago kung ikukumpara sa katuruan ni Hesus; ito ay bagong uri ng relihiyon.”[7]

Isang bagong uri ng relihiyon, tunay nga. At kaya naman ang katanungan ay “Nasaan ang ‘Kristo’ sa ‘Kristiyanismo?’ Kung Kristiyanismo nga ang relihiyon ni Hesus, nasaan ang Lumang Tipan at striktong pagtatangi sa Diyos ng Rabbi na si Hesus ng tradisyonal na Judaismo? Bakit itinituro ng Kristiyanismo na si Hesus ay ang anak ng Diyos kung si Hesus mismo ay tumawag sa kanyang sarili na “anak ng tao” nang walumpu't-walong beses, at hindi “ang anak ng Diyos” ni isang beses? Bakit ipinayo ng Kristiyanismo ang pangungumpisal sa mga kaparian at pagdarasal sa mga santo, kay Maria at Hesus kung ang itinuro ni Hesus sa kanyang mga tagasunod ay:

“Magkagayon, sa ganitong paraan, kayo manalangin: Ama naming nasa langit …’” (Mateo 6:9)?

At sino ba ang nagtalaga ng Papa (sa Roma)? Katiyakang hindi si Hesus. Marahil ay totoo na tinawag niya si Pedro na bato (sandigan) kung saan niya itatatag ang kanyang simbahan (Mateo 16:18-19). Ngunit gayunpaman, matapos ang limang maliliit na talata, tinawag niya si Pedro bilang “Satanas” at “isang pagkakasala”. At huwag din nating kalimutan na ang "bato" na ito ay maka-tatlong ulit na itinanggi si Hesus matapos ang pagkakadakip kay Hesus—mahinang pahayag ng pagiging dedikado ni Pedro sa bagong simbahan.

Posible ba na itinatanggi na ng mga Kristiyano si Hesus sa simula pa lamang? Ang pag-iiba sa anyo ng katuruan ni Hesus na 'striktong pagtatangi sa Dakilang Tagapaglikha' tungo sa 'Trinidad' na mula sa mga tagapagturo ng katuruan ni Pablo, ang pagpalit sa mga kautusan ng Rabbi na si Hesus sa Lumang Tipan ng "pagpawalang-sala sa pamamagitan ng pananalig" ni Pablo, pagpapalit sa konsepto ng 'pagbabayad ni Hesus ng mga kasalanan ng sangkatauhan' para sa katuruan ni Hesus na 'direktang pananagutan ng tao sa kanyang mga kasalanan', pagwawaksi sa pag-aangkin ni Hesus sa sarili bilang 'tao' sa konsepto ni Pablo ng kabanalan ni Hesus, dapat nating kwestyunin sa kung ano mismong aspeto iginagalang ng Kristiyanismo ang mga katuruan ng kanilang propeta.

Isa pang kagayang usapin ay ang tukuyin kung anong relihiyon ang gumagalang sa mga katuruan ni Hesus. Kaya't ating tignan: Alin sa mga relihiyon ang nagpaparangal kay Hesus bilang propeta at tao? Aling relihiyon ang umaayon sa striktong pagtatangi sa Dakilang Tagapaglikha, mga kautusan ng Diyos, at sa konsepto ng direktang pananagutan sa Diyos? Aling relihiyon ang tumatanggi sa tagapamagitan ng tao at Diyos?

Kung ang sinagot mo ay “Islam,” magiging tama ka. At sa paraang ito, matatagpuan natin na ang mga katuruan ni Hesu-Kristo ay mas nakikita sa relihiyon ng Islam kaysa sa Kristiyanismo. Ang pagmumungkahi na ito, gayunpaman, ay hindi nangangahulugan na isang konklusyon, bagkus ay isang panimula. Yaong mga tao na napukaw ang interes sa mga diskusyon sa itaas ay kailangan na seryosohin ang usapin, buksan ang kanilang isipan at magpatuloy... sa pagbasa

references


1. Si Hesu-kristo ay isa pang karagdagang propeta na kabilang sa mahabang linya ng mga propeta na isinugo sa mga naligaw na mga Israeslita. Katulad ng kanyang malinaw na pinanindigan, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ni Israel.” (Mateo 15:24) Noong pinadala ni Hesus ang mga disipulo tungo sa landas ng Diyos, inutusan niya sila, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano; kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel. ” (Mateo 10:5-6) Sa buong panahon ng kanyang paglilingkod, hindi kailanman naiulat na si Hesus ay may napagbalik-loob mula sa mga hentil, at sa katunayan ay naiulat na kinagalitan ang isang Hentil sa paghingi ng kanyang pabor, inihalintulad ang naturang babae sa isang aso (Mateo 15:22-28 at Marcos 7:25-30). Si Hesus mismo ay isang Hudyo, ang kanyang mga disipulo ay mga Hudyo, siya at ang kanyang mga disipulo ay parehong iniukol ang kanilang paglilingkod sa mga Hudyo. May magtataka kung ano ang ibig sabihin nito sa atin ngayon, dahil karamihan sa mga nagturing kay Hesus bilang kanilang ‘personal na tagapagligtas’ ay mga Hentil, at hindi kabilang sa mga “naliligaw na tupa ng sambahayan ni Israel” kung saan siya isinugo.

2. Ehrman, Bart D. The New Testament: A Historical Introduction to the Early Christian Writings . 2004. Oxford University Press. P. 3.

3. Lehmann, Johannes. 1972. The Jesus Report . Isinalin ni Michael Heron. London: Souvenir Press. pp. 128, 134.

4. Ehrman, Bart D. 2003. Lost Christianities . Oxford University Press. Pp. 97-98.

5. Ehrman, Bart D. 2003. Lost Christianities . Oxford University Press. P. 184.

6. Carmichael, Joel, M.A. 1962. The Death of Jesus . New York: The Macmillan Company. p. 270.

7. Weiss, Johannes. 1909. Paul and Jesus . (Isinalin ni Rev. H. J. Chaytor). London at New York: Harper and Brothers. p. 130.

whatsapp icon messenger icon